For those working in the area of development studies, here is a fresh and exciting proposal put forward by a dear friend from UP CSWCD. 

——————————————————————

"Mas magandang buhay” o “better life” ang namamayaning kahulugan at layunin ng debelopment. Kung kaya’t lahat ng pamamaraan sa pagpapaunlad ng mga pamayanan ay patungo sa pagkakaroon ng ‘mas magandang buhay’ ng mga indibidwal at pamayanan. 

Subalit kung ano ang ‘mas magandang buhay’ na ito ay madalas nakabatay sa Kanluraning hulma: pagkakaroon ng mas higit na yaman, kapangyarihan at karunungan. Kaya dito pumapasok ang mga diskurso sa pagpapaunlad ng pamayanan ang mga usapin ng access sa yaman, empowerment ng mga mahihina o walang kapangyarihan at conscientization o pagmumulat ng mga pamayanan. 

Subalit sa mahigit kalahating siglo ng ganitong diskurso mas dumami ang mahihirap na mga tao at pamayanan. Bakit kaya? Ang dahilan marahil ay ito: Hindi akma ang hulmang ito sa hulagway ng kamalayan ng mga Filipino. Kung ganoon, ano ang hulagway ng pag-unlad sa kamalayang Filipino?

Sa ngalan ng paghahanap ng hulagway sa pagpapaunlad ng pamayanan, ipinakita ko ang mga sumusunod:

-Ang kategorya ng pagmamay-ari ng mga tahanan ay maaring maging hulagway ng pagmamay-ari ng kapayapaan o kaunlaran.

-Ang katergorya ng tahanan ay maaaring maging hulagway ng uri ng kapayapaan o kaunlaran. Halimbawa, ang hiram na tahanan ay maaaring metapor ng hiram na kapayapaan o kaunlaran; ang may bahay subalit iba ang nakatira ay hulagway ng kapayapaan o kaunlaran subalit iba ang nakikinabang; at ang pag-aaring bahay na itinayo sa sariling lupa ay maaaring hulagway ng pag-aaring kapayapaan o kaunlaran na itinayo sa sariling lupa o bayan.

Sa isang sarbey na pananaliksik ng UP-CIDS noong 1997 na pinamagatang The Measurement of Filipino Well-being, lumitaw na sa 102 mahalagang bagay na tinukoy ng mga kalahok, ikapito (7th) sa mga pinahahalagahan ng mga Filipino ang pagmamay-ari ng bahay na umani ng 98.6 na bahagdan. Ang unang anim ay ang mga sumusunod: respeto mula sa pamilya, pananampalataya sa Diyos, pagiging Filipino, panalangin at pagninilay, pagmamahal ng magulang at mga kapatid, at regular na pagkain (Sycip, Asis, Luna 1998).

Kung susuriin natin ang mga bahagi ng isang tahanan, karaniwan nating makikita na mayroon itong bubong, dingding, bintana, pintuan, sala, kusina, hapag kainan, palikuran o batalan, silid tulugan at dambana o altar. Kahit isang pinakapayak na tahanan na ang buong bahay ay isang silid lamang o mayroon lamang nang unang apat na bahagi, ang buong silid o bahay mismo ang nagiging sala, kusina, kainan, palikuran, tulugan, libangan at altar ng isang pamilya. Kung kaya’t masasabi ko na ang kagalingan o well-being ng isang pamilyang Filipino ay nakaugnay mismo sa kanyang tahanan. Ang respeto mula sa magulang at pagmamahal ng magulang at kapatid ay higit na naipapamalas sa mga gawi, ugnayan, sistema at kultura mayroon sa loob ng tahanan. Ang pananampalataya at panalangin at pagninilay ay nakaugnay sa mga altar o dambana na madalas ay nasa isang sulok ng tahanan. Ang pagiging Filipino ay maaari rin ipamalas sa uri ng istruktura ng at wika na ginagamit sa loob ng bahay. Ang regular na pagkain ay niluluto sa kusina at inihahain sa hapag-kainan.

Ang iba pang pangunahing bagay na mahalaga sa mga Filipino sa lumitaw sa pag-aaral na ginawa ng UP-CIDS (Sycip, Asis, Luna 1998) ay nakaugnay din sa mga bahagi ng tahanan. Ang kaligtasan mula sa krimen o kasamaan (8th) ay nakaugnay sa matibay na dingding, bubong pintuan at bintana ng isang tahanan. Ang pagmamahal ng mga anak (10th), magandang relasyon sa asawa (14th) at magkasama ang mga anak (15th) ay higit na matutunghayan sa loob ng isang tahanan at pinagtitibay ng kahit na anong bahagi nito. Ang kapayapaan ng isip (12th) ay nakaugnay sa silid-tulugan bagamat sa akin minsan ito ay mas nararanasan ko sa loob ng aming palikuran. Ang mahabang buhay (11th) ay nakaugnay sa tibay ng tahanan at ugnayang nakapaloob sa loob nito. Ang makagawa ng mabuti sa kapwa (13th) ay nakaugnay sa sala kung paano mo siya pakiharapan, sa libangan kung paano mo siya aliwin o hapag-kainan kung paano mo siya busugin.

Mula dito, aking nahihinuha na ang pagkakaroon ng isang mapayapa at maunlad na bansa ay nangangahulugan ng pagkakaroon ng mga tahanang may pagmamahalan, respeto, paglilingkod, pagsasakripisyo, pagdarasal at pag-aalay ng buhay para sa bawat isang nanahanan dito; maayos, maluwag, matibay na tahanan kung saan ang mga nananahanan ay may kabusugan, kaliwanagan, katahimikan, kapanatagan, katiwasayan, nagmamahalan, nagrerespetuhan, naglilingkod at nagtutulungan sa isa’t isa.

Larawan ng Buhay na Ganap at Kasiya-siya

Tatlong taon na ang nakalipas, isang grupo mula sa maralitang pamayanan sa Lungsod ng Kalookan ang sumailalim sa pagsasanay na pinangasiwaan ko noon. Ang grupong ito ay mga lider at kasapi ng isang simbahan na tinawag nilang Komunidad ng Simpleng Simbahan sa Bagong Silang (KSSBS). Ang pagsasanay, tinawag na Sertipiko sa Holistikong Ministeryo, ay tumagal ng sampung buwan tuwing araw ng Sabado.

Ang pagsasanay ay nagsimula sa isang tatlong araw at dalawang gabi na oryentasyon. Binigyang diin sa oryentasyon na ang holistikong ministeryo ng simbahan ay nakaangkla sa metapor na ‘buhay na ganap at kasiya-siya’ na hango sa Juan 10:10. Bago natapos ang oryentasyon, puminta ang mga kalahok ng isang larawan ng isang pangarap kung saan makikikita ang isang ‘buhay na ganap at kasiya-siya’.

Sa larawan ng isang ‘buhay na ganap at kasiya-siya’ (tingnan ang Paglalarawan sa susunod na pahina) ay makikita, mula sa paliwanag ng mga kalahok, ang isang tahanan na may tibay (sinasagisag ng hugis V na bubong upang kayanin ang maiimbak ng tubig mula sa ulan), kaliwanagan (sinasagisag ng ilaw), kabusugan (sinasagisag ng hapag kainan na may nakahaing kanin), maayos na kalusugan (sinasagisag ng first aid kit), kaluwagan (sinasagisag ng mga dingding na malaki pa sa mga puno), kapahingahan (sinasagisag ng duyan), ang pananampalataya ay nakikita ng iba (sinasagisag ng ‘SALITA’ sa labas ng tahanan), ligtas sa kasamaan (sinasagisag ng kawalan ng bakod), maligayang pamilya (sinasagisag ng 3 bata at dalawang matanda na naglalaro sa bakuran) at makakalikasan (sinasagisag ng mga puno at halaman sa bakuran).

Pansinin na ang mga paliwanag sa mga sagisag ng bahagi ng tahanan sa larawan ng isang ‘buhay na ganap at kasiya-siya’ ay hindi nalalayo sa mga tinukoy na pinahahalagahang kagalingan ng mga Filipino batay sa pananaliksik na kinomisyon ng UP-CIDS noong 1997 (Sycip, Asis & Luna 1998). Ayaw ko sabihin na ito ay malaking pagkakataon lamang subalit malaki ang posibilidad na ang pagkakaroon ng tahanan bilang lokus ng diskurso sa pagpapaunlad ng pamayanan ay tila nakatagong hulma sa kamalayang Filipino..”

-Arven Dela Cruz, UP College of Social Work and Community Development